May katuparan pa kaya?

Tatagalugin ko na lang ang entry ito para masabi ko ang saloobin ko habang isinusulat ko ito sa mga oras na ito, eksakto 2:20 ng madaling-araw. Dulot ito ng pagbabasa sa web blog ng isang batikang journalist na napahanga ako sa tapang at dedikasyon niya sa larangang kanyang kinabibilangan habang napapanatili niya ang papel ng isang supportive at mapagmahal na ina at kaibigan. Hindi pa kami magkakilala ng personal. Ayon lamang ang obserbasyon ko sa aking nabasa at nakita (base sa entry at mga larawan na nakapaskil sa kanyang blog). Pero ramdam ko ang sensiridad ng binasa ko. Hindi siya suplada (o may ere) madali nga siyang sumagot sa request ko sa Facebook. Salamat ha.

Ang paksa ko ay tungkol sa pagsusulat ng script. Mas malawak sana ang mundo ko ngayon kung nagsimula ako ng mas maaga. Kung sana ginamit ko ang mga naipong karanasan ng kabataan sa paghubog ng kung ano ako dapat ngayon — isang scriptwriter. Kung tutuusin isang magandang piyesa na sana para sa isang manunulat ng script ang mga karanasan ko o ang buhay ng mga taong nakasalamuha ko noong ako ay isang reporter pa. Ang pinagmulan ko nga mismo ay hitik din para maging isang story material. Hindi naman sa espesyal ang istorya ko pero maraming bahagi nito ang makakapagpatulo ng luha sa mga makakabasa o makakapanood.

Noong nasa PUP pa ako, natalakay sa isang subject sa kursong journalism ang pagususulat ng script sa radyo, telebisyon at pelikula. Naglaro sa isipan ko na maging radio talent kung hindi man scriptwriter. Nasabik ako sa ideya na magtrabaho sa radyo lalo na nung mainterview ko ang batikang personalidad sa radyo na si Bb. Helen Vela para sa isang thesis.

Sa tingin ko hindi pa naman huli ang lahat, puwede pa akong magsimula sa tamang panahon kasama ng mga tao na may kinalaman at kaalaman sa pagsusulat na puwedeng gumabay at maging kritiko na rin. Dapat talaga noon ko pa sinimulan ito. Gusto kong maniwala na hindi nagtatapos sa pagiging taumbahay lamang ang papel ko. Hindi po ako kasambahay. Pero huwag ipagkamali na ako ay nagsisisi sa ginagampanan kong papel sa ngayon, sabi nga ni Tatay Ben (Domingo), marangal ang pagiging mapag-arugang ina at mapag-mahal na maybahay. Isang araw mula ngayon, masisimulan ko rin ang mithi kong magsulat ng script.

Hindi sa akin ang larawan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *