Ang Thesis ni Anna

Hiniram ko muna ito kay Sir William Chua, dati kong editor sa People’s Tonight, na ngayon ay isang successful businessman na. Malaki daw ang kita niya sa stamps eh.

(Kung sumasakit na ulo niyo sa kakaisip kung saan kukuha ng pambayad sa kuryente, LPG at iba pang may kinalaman sa energy cunsumption. Basahin niyo itong solusyon ni Anna. Hindi ko po kilala si Anna. Itanong natin later sa may akda nito, hehe.)

***

“Oy, oy, oy, Anna,” bunghalit ng MassCom titser ni Anna. “Ano’ng ibig sabihin nitong BNBNPP? Kung maglagay ka ng pamagat sa term paper mo parang knock-knock.”

“Ma’am naman. Iyan ang thesis ko sa energy problem: Biyaya Ng Bataan Nuclear Power Plant. Outline pa lang ‘yan, ma’am.”

“Naku, bata ka, kung magsulat ka parang di ka umiinom ng kape; di ka na ninerbiyos. Ayan at pumuputak na naman yang mga cause-oriented group at NGOs sa armaggedong idudulot niyang plantang iyan at sinasalungat mo pa. Sumapi ka na ba sa grupong BNPP na gustong makabalato sa kickback ng mga opisyales na gusto na namang buhayin yang planta?’

“Grupong BNPP? Ma,am, ha, bumabawi kayo. Pero sige, sirit na, ano ang BNPP mo?”

“Eh di Binayaran Na Peryodistang Palamunin. Kung anu-anong kahunghangan ang itinutulak nila para maduling ang taong-bayan sa depekto ng nuclear plant na ‘yan. At ikaw, Anna, ano namang biyaya ang ihihirit mo?’

“Eto, ma’am, namber wan, malulutas ng nuclear plant ang birth control isyu na pinagbabangayan lagi ng DOH at CBCP.”

“Kinakabahan ako sa kambyo ng utak mo, iha, pero sige, paki-ekspleyn lang kung ano ang connection ng DOH at CBCP sa nuclear plant sa Morong.”

“Beri simpol, ma’am. Kung matutunaw yung planta, automatic burado agad ang kalahati ng population natin, from 80 million to 40 million, at magiging warat na ang debate kung rhythm o rock and roll method ang mabisang birth control.”

“Ay wapen! Ba’t di ko naisip agad ‘yan. (Siguro dahil normal akong tao.) Eh ano naman itong pati poverty eh malulutas din ng BNPP?”

“Isipin mo, ma’am, karamihan sa mga Pinoy ay yagit. Ngayon, kung hahatiin mo ang population, di ba lalabas sa statistics na mas kokonti ang mga mahihirap ngayon kaysa noong hindi pa pina-aandar yung planta?”

“Aba, ang galing pala ng Westinghouse, hane? Ba’t di pa tayo magpagawa ng isa pang nuclear plant, diyan naman sa may Mt. Pinatubo, para wala nang pobre sa Pilipinas?”

“Oo nga, ma’am! Ang dami ko nang natutuhan talaga sa iyo! Mawawala na rin ang unemployment problem natin dahil magiging kaluluwa na lang ang mga walang trabaho rito. Kaya lang pati yung may trabaho matutunaw din. On the other hand, ang tinitingnan lang naman sa statistics eh yung unemployment rate, kaya tiyak gaganda ang figures ng NEDA diyan.”

“Heh! Nagbiro ako sinakyan mo na agad. Pero, according to your nakakahindik na thesis, bababa na rin yung crime rate dahil bababa na rin sa impiyerno ang mga criminal. For the same reason, mawawala na rin ang graft and corruption, prostitution, deforestation, pati na ang ating nation. Akalain mo nga ba namang pakyawan pala ang biyayang dulot ng nuclear meltdown, ano?”

“Yes, ma’am. Parang tutoo rin yung sinasabi ng mga backers niyang planta na makakatipid tayo sa kuryente. Imagine, pagputok niyang planta, yung hindi naging liquid metal sa atin eh hindi na kailangan ang Meralco at Napocor para magkailaw pa – dahil tayo na rin umiilaw! Yung mga taga-Bataan, ma’am, eh 100 watts siguro ang liwanag nila.”

“Ay, wa! Yung mga nasa Maynila 50 watts sila; at ikaw, Anna, dahil low-bat ka eh 25 watts ka lang. At ano naman ang karumal-dumal na mungkahi ng thesis mo?”

“Gawin nating industrial estate yung paligid ng nuclear power plant at diyan itayo ang mga pabrika at resthouse ng mga backer nitong BNPP, dahil iyon ay talagang lugar na pang-rest in peace, ‘ika nga. Kung gusto nilang piped-in music, siguro puwede yung Afterglow. Ano sa tingin niyo, ma’am?’

“Sa tingin ko’y radioactive na itong utak ko, iha. Haay, salamat at nag-bell na. Ano ba’ng susunod mong subject?”

“Psychology, ma’am. Si Dr. Hannibal Lecter ang professor ko. Ang galing-galing niya, ma’am! May thesis din ako para sa kanya!”

“Siyanga?! Naku, hindi lang pala ako ang suwerte sa araw na ito. Matutuwa sigurado iyon dahil magkakaintindihan kayo. Dali, puntahan mo at yayain mong mag-field trip sa BNPP.”

8 thoughts on “Ang Thesis ni Anna

  1. pehpot

    wahaha I love it!

    pero kwidaw ka, paano pag nabuksan na ang BNPP at natunaw na ang kalahati ng populasyon, e di maunti na alng din ang mangangailangan ng kuryente, at darating ang araw n hindi na din mapapakinabanagan yang planta, naku Anna, may butas ang term paper mo LOL

    Make or Break

    Reply
  2. Yami

    Uy guys pasensya na kailangan kong imoderate ang comments sa site. You know why? May isang John doe na walang magawa sa buhay ang comment ng comment about hacking! Aba eh nawili sa kapo-post ng comment lahat ng post ko dito kinomentan ng baliw! Pasensya na dear readers. Thanks!

    Reply
  3. onlinemommy

    mommy nakakabaliw este nakakaaliw tong thesis na to 😀 hahahaha

    buti binahagi mo ito 😀

    sana me kakayahan ang epekto ng meltdown na piliin ang isasama sa pag meltdown nya hahaha ung mga ganid at maitim lng sana ang buto ang isama sa pagningas ng planta 😀

    Reply
  4. Yami

    Sana selective ang meltdown at piliin ang mga hindi karapat dapat na mamuno sa mga importanteng pwesto sa gobyerno, ‘di ba guys? 🙂

    Reply
  5. William Pogi Chua

    Hi, Yami,
    Thanks for supporting my blog. As usual, you are generous to others.
    Kung ako ang masusunod, tunaw na ang malacanang at karamihan ng mga kongresmaniak.
    More power!
    William

    Reply

Leave a Reply to Lucrecio Emerito Cancel reply

Your email address will not be published.